Para sa tabi, at para sa itinabi

“Sasakay po kayo?” sabi ng isang maliit na tsikiting sa akin.

Kanina pa yata niya ako tinatanaw habang papalapit ako sa traysikel kung saan siya nakaupo, sa likuran nito, sa motor mismo, sa likuran ng drayber kung aandar ito. Maliit pa siyang bata, siguro wala pang limang taon o anim, pero bibo ang dating. Babae, medyo mahaba ang buhok, naka-pink na damit, parang Dora The Explorer yata ang nasa harap na print, hindi ko masyadong maaninag, o di ko napansin masyado. Mas abala kasi ako sa paghanap ng drayber ng traysikel niya — na nasa kabilang banda pala, sa harapan ng sidecar nito.

“Manong, puwede po kayo sa may Tapsi ni Vivian?” tanong ko. Sakayan ito ng TODA sa paligid dito, kaya siguradong pamilyar siya sa lugar na sinabi ko. Pero hindi pala. Alam niyang puntahan nang sinabi kong malapit ito sa Marcos Highway, nasa Mayor Gil Fernando Avenue lang, banda doon pa. Maganda ang ngiti niyang pinasakay ako, dahil oo daw, puwede siya hanggang doon. Buti naman.

Nakita ko sa loob ng traysikel ang kanyang ID, malaki kasi itong nakapaskil sa loob, utos ng lungsod. Matanda na siya, pero parang mas bata nang kaunti sa ID picture. Iniisip ko kung kaano-ano niya ang batang bibong nagtanong sa akin kanina. Tantiya ko, para siyang lolo na nito, sa tanda na ni manong. May konti siyang puting buhok, pero mahina na ang galaw niya, hindi na gaano kaliksi tulad ng ibang drayber ng traysikel. Siguro anak ito ng anak niya, ganoon ang hula ko, anak niyang siguro sinubukan niyang buhayin sa pagtatrabaho bilang drayber ng traysikel, hanggang sa mag-dropout ito sa eskuwelahan, nabuntis, at nanganak. Baka iniwan sa kanila ang bata, naglayas at naglayag. O puwede ring matino naman siyang anak, nadisgrasya lang, nagkaanak, nangibang-bansa, o nagtatrabaho sa call center o saanman. Maraming naratibo, base lang sa nakita ko sa dalawang tao  sa traysikel.

Sa tingin ko, laging kasama itong si batang bibo sa lolo niyang bumibiyahe. May dala siyang baunan ng tubig, ‘yung transparent na tipong nakukuhang libre kung saan, o kaya binigay kasama ng isang baggage pack. Minsan sa public schools, namimigay sila ng mga ganyang gamit sa mga bata. Kaya lang parang masyado pang bata itong bata para mag-aral, kaya siguro binili ito ng lolo niya, ng magulang, o baka bigay lang ng sinumang nakatatanda.

Nabahala lang ako saglit kasi talagang nasa likuran lang siya ng lolo niyang drayber, pero hindi naman mabilis magmaneho si manong. Sobrang bagal nga, eh. Para tuloy kaming nagsa-sightseeing ng parteng ito ng Marikina bayan, ‘yung maraming kalyeng pinangalan sa punongkahoy — Sandalwood, Redwood, Chestnut, ganyan. Na marami ring umuusbong na kainan, dahil food trip capital na ang Marikina ngayon, di tulad dati nung lumalaki ako. Pupunta pa kami sa Cubao para makakain lang sa Shakey’s o A&W. Iba na ngayon.

Tila pareho pala kami ni batang babae ng gawain kapag nasa sasakyan — tumatanaw sa lahat ng nakikita sa paligid, Siyempre, ano pa ba naman ang iba mong gagawin sa biyahe kundi tumanaw? Ako, titingin-tingin ako sa mga bagong sulpot na restaurant na meron pala sa tabi-tabi diyan. Siya naman, tinitingnan lahat ng madaanan namin — puno, bahay, kotse, pati langit minsan tumatanaw-tanaw siya. Alam ko dahil nasusulyapan ko siya sa pagtanaw-tanaw ko. Minsan, nagtatama ang mga mata namin, kaya nginingitian ko siya. Para namang naaaliw siya sa nakikita niya, kasi malaki ang mata niya kapag may nakikitang kakaiba, tulad ng malaking SUV na humarang sa amin, papalabas ng isang malaking gate na bahay. Kapag tatawid ng kalye, nakatitig din siya sa mga sasakyang nagdaraan, sinasabayan siguro ang lolo sa pagtanaw.

Naaalala ko ako sa kanya. Noong bata ako, hindi ako natutulog sa sasakyan. Tuwing aalis kami, gustong-gusto kong tumatanaw sa labas ng bintana ng sasakyan namin. Minsan, sa Toyota Crown na puti ng lolo ko, minsan sa puting Volkswagen Beetle ng tatay ko. Nag-iba-iba na ang sasakyan namin sa paglaon, depende sa company car na puwedeng magamit ng tatay ko, pero gustong-gusto ko pa ring umupo sa tabi ng bintana para tumanaw sa labas habang dumadaan kami.

Sa ganitong gawain, natuto tuloy akong memoryahin ang mga lugar. Anong kalye ang daraanan namin bago marating ang malalaking boulevard, avenue o highway na noong bata pa ako ay sobrang lawak nila sa paningin ko. Wala pang traffic noon kaya mabilis lang ang mga biyahe. At banayad magmaneho ang lahat. O dahil ba nandoon ako, mga lima-anim na taon, nakaupo sa likuran o sa harapan, hindi pa uso ang seatbelt kaya dahan-dahan lang sa pagmamaneho ang drayber ng sasakyan.

Gustong-gusto kong tumatanaw sa labas dahil tinitingnan ko ang mga bagong lugar na dinaraanan namin. Kahit na gilid lang ng kalye, subdivision, o building ang masulyapan ko, mahalaga pa rin sa akin ang sumulyap. Gusto kong tingnan ang hitsura ng mga kanto, anong mga street vendor ang nagtitinda-tinda doon, ano ang tinda nila, maraming makukulay na bagay sa paligid, iba-iba ang hitsura at suot ng mga tao, pero parang iisang kulumpon lang sila kung mabilis namin silang daraanan. Kaya naaalala ko ang building sa kanto kung saan dapat kami lumiko pauwi, naaalala ko ang ilang puno kung saan dapat kami lumilim kapag dadalaw sa bahay ni ganito o ganyan, naalala ko ang pangalan ng mga lugar na pinupuntahan namin kasi parang natutuwa ako sa sarili kong marami akong lugar na nararating — kahit ilang bilang lang ng kalye iyon. Sa isang batang mahilig tumuklas ng paligid, marami pa rin ang more than 1.

Lingid sa kaalaman ko, makakatulong pala ang “self-training” kong ito sa sarili ko ngayon, ngayong mas matanda na ako, naglalayag mag-isa sa kung saan-saang lupain, gamit ang sasakyan sa lupa o sa langit. Sorry, ayoko talaga ng sa tubig. Minsan lang, kapag walang choice. O baka dahil mahirap imapa sa utak ko kung puro tubig ang nakikita ko. Ngayon kasi, naaalala ko ang detalye ng dinadaanan mo, mas landmark pa nga kesa pangalan ng kalye o lugar minsan. Basta ang importante, kapag hinulog mo ako sa gitna ng isang lugar, mahahanap at mahahanap ko ang labasan sa paglaon. Mas tumatatak pa nga sa akin kapag naliligaw ako, kasi mas naaalala ko ang daan na hindi ko dapat daraanan. Nasa Manhattan man ako, sa Quiapo, o kaya sa Chiang Mai, naaalala ko ang mga daan — dahil sa pagtanaw-tanaw ko sa paligid sa biyahe.

Nakatulong itong pagtanaw-tanaw ko sa dinaraanan ko sa mga paglalakbay ko simula pa noong nag-20 pataas na ako. Ako na ang nagdadala noon ng isang company car ng tatay ko, na binili na niya, nagmamaneho kung saan ko man gustong pumunta, lingid sa kaalaman ng mga magulang ko kadalasan. Noong nagtrabaho na ako, mas lalo akong naging gala, pero may dahilan naman. Hindi kasi napipirmi sa opisina ang mga tipo ng trabahong napasukan ko noon hanggang ngayon. Kahit fulltime, lumalabas ka sa opisina dahil kailangan. May ico-cover na press conference dito o doon, book launch o CD launch o movie premiere diyan-diyan, may kailangang bisitahing kainan at gagawan ng rebyu, o pupunta sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas o Asia para magturo sa iba’t ibang uri ng estudyante ng mga bagay-bagay na magagamit nila sa buhay nila, o kaya’y may maikling pelikula o dokumentaryong kailangang i-shoot kung saanman. Ganyan ang naging takbo ng buhay ko nitong nakaraang dalawang dekada.

Pero kahit saan man ako mapunta, hindi pa rin nawawala ang mangha sa mata ko, tulad ng manghang nakita ko sa batang bibo kanina sa traysikel. Sa maliit niyang pananaw, malalapad na siguro ang mga kalyeng nadaanan namin mula sa TODA ng traysikel hanggang sa binabaan kong kainan. Sinusundan din niya ng tanaw ang mga taong nakikita niyang pumapasok o lumalabas sa mga kainang nadaraanan namin. Walang bahid ng inggit ang mga mata niya, pero sigurado akong sa dalawa-tatlong taon mula ngayon, baka maiba na ang bahid ng mararamdaman niya sa muli niyang pagtanaw sa ganitong mga tao at lugar, lalo na’t kung nakasakay pa rin siya sa likod ng traysikel ng lolo niya.

Kinailangang mag-Uturn ng traysikel namin, at may isang lokong naka-motor na muntik nang tumama sa amin, dahil sa — di tulad ng ibang sasakyang huminto para paraanin kami — tuloy-tuloy lang siya sa pagharurot. Huminto siya nang muntik nang mawalan ng balanse, galit na nagsalita sa drayber ko, habang pinapakiramdaman ko kung ano ang susunod nitong gagawin. Unti-unti akong lumabas ng traysikel dahil wala naman palang gagawin itong isang loko, humarurot na rin paalis, siya pa ang galit. Pero tatawa-tawang umiling lang ang drayber ng traysikel ko, kita ang halos dadalawa na lang niyang ngipin sa ibabang gilagid, sabay sabi na hindi naman siya ang nasa mali sa pagkakataong iyon. At tama siya. Pero hindi ko naalis na mag-alala saglit dahil baka kung ano ang gawin nitong naka-motor sa lolo ng batang bibong sakay niya. Buti na lang at walang naganap sa kalyeng ito.

Isang maikling sakay mula sa bayan hanggang sa nais kong kainan, pero napakaraming pakiramdam at naiisip, bunga lamang ng saglitang pagtanaw sa pali-paligid — at pakikisimpatiya sa mga taong araw-araw ginagalugad ang daan. //

Comfort food Pinoy style. Craving for longsilog that’s why I came here. (February 2018 Marikina City)